Do you love Reading? You are in a right place with us. Register and join book talks on our Bookworm hub.
 
HomeFAQRegisterLog in

Share | 
 

 Boarding House

View previous topic View next topic Go down 
AuthorMessage
TheGoodForNothingBoy



Male
Registration date : 2014-06-11
Points : 924
Reputation : 0

20140625
PostBoarding House

Pasado alas diyes na ng gabi nang makarinig ako ng mga yabag ng paa, tila ba ito'y tumatakbo. Ilang sandali pa ay nakarinig ako ng katok sa pintuan ng aming silid, malakas ito at para bang nagmamadali. Dali-dali akong bumangon sa aking kama at binuksan ang ilaw ng silid, pagkaraan noo'y nagtungo na ako sa pintuan para buksan ito, sa pag-aakalang ito na ang roommate ko.

Napakamot nalang ako ng ulo nang makitang walang tao sa labas. Napapadyak ako ng aking paa. Dahil doo'y isinara ko na muli ang pinto at nagbalik sa aking kama. Bahagya akong nainis dahil doon. Padabog akong bumalik sa aking higaan, pero kahihiga ko pa lamang ay nariyan nanaman ang katok.

Napakunot ang aking noo. Wala ako sa mood para makipag-lokohan.

Hindi ko muna ito pinansin dahil baka mamaya ay pinagti-trip-an lang ako ng ka-roommate ko. Mayroon namang siyang susi kaya kahit i-lock ko ito ay makakapasok parin siya.

Nagpatuloy pa ang pagkatok niya. Habang tumatagal ay lumalakas ito, tila ba plano niyang sirain ang pinto ng aming silid. Dahil sa inis ay patakbo akong pumunta sa harap ng pinto at habang patuloy parin ang pagkatok niya ay dali-dali ko itong binuksan.

Napatulala ako sumandali.

Tulad kanina, walang tao sa labas. Dahil sa labis na pagtataka ay lumabas ako ng silid, sa pag-aakalang pinagti-trip-an ako ng aking roommate. Pero paglabas ko, walang katao-tao sa paligid. Walang bakas ng kahit na sino. Dahil dito ay nagsimula na akong mag-isip ng kung anu-ano.

Ilang sandali pa ay napagpasyahan kong bumalik na lamang sa aking higaan, pero kasasara ko pa lamang ng pinto ay may kumakatok nanaman.

Unti-unting nanlaki ang aking mga mata, nagtindigan din ang mga balahibo sa aking buong katawan, kasabay noo'y bumilis ang pagpintig ng aking puso.

Ilang sandali pa'y biglang namatay ang ilaw sa loob ng silid, kasabay noo'y may naramdaman akong malamig na hangin sa aking paligid.

Napa-yakap nalang ako sa aking sarili habang nanginginig ang buong katawan. Unti-unting namuo ang malalamig na pawis sa aking noo, nanlalamig narin ang aking buong katawan.

Sinimulan kong ihakbang ang aking mga paa pero pakiramdam ko'y may mga mabibigat na bagay ang nakasabit dito. Sa tuwing hahakbang ako'y mas lalong lumalakas ang pagkalampag ng pinto.

Pakiwari ko'y ilang sandali nalang at masisira na iyon.

Hindi rin nagtagal ay nakarating na ako sa aking kama. Agad-agad akong nagkulubong ng kumot at tinakpan ng unan ang aking mukha. Hindi pa ako nakuntento at tinakpan ko narin ang magkabila kong tainga.

Matagal-tagal din ako sa ganoong posisyon. Hindi umiimik, hindi gumagalaw. Nakikiramdam lang.

Ilang sandali pa'y tumigil na ang pagkalampag ng pinto.

Nakahinga ako ng maluwag.

Tatanggalin ko na sana ang nakakulubong na kumot sa aking katawan ng muli akong makarinig ng mga yabag.

Nagsimula nanamang bumilis ang pintig ng aking puso.

Ilang sandali pa ay may narinig akong mga usapan, mga bulungan. Ang mga balahibo ko sa katawan ay kusa na namang nagtaasan dahil sa nakakakilabot nilang mga tinig. Hindi ko magawang maintindihan ang kanilang usapan, ibang lengwahe ang kanilang sinasalita.

Maya-maya pa'y biglang tumahimik.

Nawala ang usapan at bulungan sa paligid.

Sa kabila ng katahimika'y hindi pa rin ako mapalagay.

Napalunok na lang ako ng aking laway. Kahit tahimik na ang paligid ay may nararamdaman pa rin akong kakaiba. May kakaibang presensyang bumabalot sa loob nitong silid.

Lumipas ang ilang minuto, narinig kong lumangitngit ang pintuan ng silid. Isa lang ang ibig sabihin noon, may pumasok sa loob.

"K-Kay, ikaw na ba 'yan?" Nangangatal na tanong ko, pero ilang minuto na ang lumilipas ay wala pa ring sumasagot. Dahil dito'y lalo akong kinabahan. Hindi kasi ugali ni Kay na hindi sumagot.

"K-kay?" pag-uulit ko. Pero tulad kanina, walang sumagot.

Hindi nagtagal ay may narinig akong kakaiba. Hindi ko alam kung yabag ba iyon ng paa dahil kakaiba iyon, para bang may kung anong humihilahod sa sahig.

Nakakangilo ang tunog nito.

Sa tuwing makakarinig ako ng yabag ay sinusundan agad ito ng nakakangilong tunog. Pakiwari ko pa'y paa rin ang humihilahod na iyon sa sahig.

Dahil sa magkahalong takot at kaba ay hindi mapalagay ang aking mga mata. Nakikiramdam ito sa paligid.

Ang kakaibang tunog sa sahig ay palakas nang palakas at tila ba papalapit ito sa aking kinaroroonan.

Napa-yakap muli ako sa aking sarili. Damang-dama ko ang mabilis na pagtibok ng aking puso.

Hindi nagtagal ay umihip ang malamig na hangin. Kasabay noo'y lumangitngit ang sahig na kahoy. Kahit nababalot ako ng kumot ay damang-dama ko parin ang malamig na hangin sa aking paligid.

Nagpatuloy pa ang yabag at ang kakaibang tunog, tila ba umiikot ito sa aking kama.

Muli ay napalunok ako ng aking laway.

Ilang saglit pa'y naramdaman ko na lamang ang pagtulo nang malamig at malapot kong pawis mula sa aking noo.

Nagpatuloy pa ang mga yabag.

Napakagat ako sa aking labi ng huminto ito sumandali. Hindi mapakali ang aking mata kakalingon sa kanan at kaliwa.

Bahagyang nanginig ang aking ulo, kasunod nito'y ang panginginig ng aking buong katawan.

Sandaling nawala ang mga yabag, tanging hininga ko na lamang ang aking naririnig. Kahit na gano'y hindi pa rin ako mapalagay sa aking kinalalagyan. Sandali kong pinigilan ang aking paghinga, para mapakiramdamang mabuti ang paligid.

Kahit nakatakip ang aking buong katawan ay nararamdaman ko ang kakaibang presensya, pakiwari ko'y pinagmamasdan nito ang katawan ko na nababalot ng tela ng kumot.

Hindi ako gumagalaw o umiimik manlang.

Natatakot ako, kinakabahan sa kung anong pwedeng mangyari.

Maya-maya pa'y may naramdaman akong malamig na bagay sa aking ulunan. Kasunod noo'y isang bulong. Bulong na hindi ko naman naintindihan.

Ilang sandali pa'y nag-umpisang umuga ang kama, dahil sa labis na pagkabigla ay napahiyaw ako.

Ang pag-uga ng kama ay sinabayan pa ng pagpatay-sindi ng ilaw.

Mas lalong bumilis ang pagpintig ng aking puso, tila ba ito'y sasabog na. Habang tumatagal ay palakas nang palakas ang pag-uga nito. Napadapa ako at napakapit sa dalawang gilid ng aking kama. Nagpatuloy pa ang pag-uga. Nagsimula ng umagos ang aking mga luha.

Gustuhin ko mang sumigaw ay hindi ko na magawa. Takot ang mas nananaig sa akin.

Ang malakas na pag-uga ng kama'y sinabayan pa ng malamig na hangin. Dahil sa hampas ng hangin ay nalaglag ang kumot na nagtatago sa aking katawan. Gustuhin ko man itong pulutin ay hindi ko magawa. Wala akong lakas ng loob. Natatakot na ako. Takot na takot.

Ano bang nangyayari rito?!

Napadako ang aking tingin sa dingding ng silid.

Labis akong nagulat sa aking nakita.

Isang babaeng duguan ang nakakapit sa dingding! Nang makitang nakatingin ako sa kanya'y dali-dali itong bumaba at nagsimulang lumakad palapit sa akin. Mabagal lang ang paglakad niya, ang isang paa niya'y humihilahod sa sahig.

Nakakangilo!

Ilang hakbang na lang ang layo niya sa akin ng biglang sumuka ito ng dugo. Tumilansik sa aking paanan ang malansa at mabahong dugo na galing sa kanyang bibig. Pagkatapos noo'y nagsimula na muli siyang maglakad.

Ipinikit ko na lamang ang aking mga mata habang nakakapit sa dalawang gilid ng kama.

Maya-maya pa'y humupa na ang pag-uga nito.

Pagdilat ng aking mga mata'y wala na ang babaeng duguan, wala na rin ang dugo na kanyang sinuka. Hindi ko na napigilan ang aking sarili at nagsimula na akong humagulgol ng iyak.

Habang humahagulgol ako ng iyak ay sinubukan kong umayos ng upo, isinandal ko ang aking likod sa headboard ng kama.

Nagpatuloy pa ang aking pag-iyak.

Ang aking mga labi ay hindi ko na magawang maisara, ayaw ng maglapat ng mga ito dahil sa panginginig.

Mula sa aking tagiliran ay may naramdaman akong malamig na hangin. Tila ba hinahagod nito ang aking katawan. Dahil doo'y napa-asog ako.

Muli, napayakap ako sa aking sarili.

Kahit takot na takot at luhaan na'y nagawa ko pang magpalinga-linga sa paligid.

Ilang sandali pa'y nakarinig na naman ako ng mga yabag. Ngayon, dinig na dinig ko na ito, para bang nagmumula ito sa aking tagiliran.

Ilang saglit pa ay lumundo ang kama. Animo'y may taong umupo malapit sa aking paanan.

Agad ko namang binawi ang aking mga paa na nakaunat sa kama. Hindi rin nagtagal ay nagawa kong umupo at yakap-yakap ang aking mga tuhod na nanginginig.

Ang aking takot na nararamdaman ay nadoble pa ng may malamig na hangin na humaplos sa aking mga binti, tila ba minamasahe ito. Dahil doon ay lalong tumindig ang aking mga balahibo.

Nagpatuloy pa ang paghaplos ng malamig na hangin sa aking mga binti. Wala akong magawa kundi pakiramdaman na lamang ito. Ano bang laban ko sa nilalang na hindi ko nakikita? Napakalamig nito at tila mo magalas. Pakiramdam ko pa'y may mainit na likidong naiiwan tuwing dumadampi ang malamig na hangin sa aking balat.

Dahil sa hindi ko na makayanan ang aking nararamdaman ay sinimulan kong ipadyak ang aking mga paa. Habang ginagawa ko iyon ay sumisigaw ako.

Napatigil ako sa aking pagsipa.

Mayroong malalamig na bagay ang nakahawak dito. Dahil sa kyuryosidad at takot ay iminulat ko ang aking mga mata.

Tumambad sa aking harapan ang isang nilalang na punong puno ng dugo ang katawan. Nakasuot ito ng damit pangkasal, ang buhok nito'y gulo-gulo na wari mo'y ilang araw ng hindi nagsusuklay. Nanlilisik ang kanyang mga pulang mata, wari mo'y gusto akong sunggaban at sakmalin. Ang labis na nagpatindig ng aking balahibo ay ang mukha nitong naaagnas na. May ilang mga malalaking uod na gumagapang sa mukha nito.

Napasigaw ako ng husto nang ngumiti ito sa akin.

Napatulala ako sandali, bigla na lang siyang nawala sa aking harapan. Naglaho itong parang bula.

Dali-dali kong pinulot ang kumot sa sahig at ibinalot sa aking katawan. Pag-angat ko ng aking mukha, napasigaw na lamang ako. Tumambad sa aking harapan ang mga mapupula at nanlilisik niyang mga mata, kitang-kita ko rin ang naaagnas at mabaho niyang mukha.

Pagkayari noo'y bigla na lang nagdilim ang paligid, tuluyan na akong nawalan ng malay tao.

Kinaumagahan, ikinuwento ko ang nangyari kagabi sa aking mga kasamahan sa bahay. Noon ko lamang nalaman na hindi lang pala ako ang nakaranas ng ganoong pangyayari, dahil maging ang mga kasamahan ko ay nakaranas narin tuwing sila'y nag-iisa.

Back to top Go down

 Similar topics

-
» Willie and Rachel at the Wilder's Boarding House
» Laura and Almonzo's Homes
» Helmuth's Strongholds Battle for Arnhem ruined house 2
» Gerard Butler Big Apple House Hunter
» The Little House on the Prairie Comedy Thread
Share this post on: Excite BookmarksDiggRedditDel.icio.usGoogleLiveSlashdotNetscapeTechnoratiStumbleUponNewsvineFurlYahooSmarking

Boarding House :: Comments

No Comment.
 

Boarding House

View previous topic View next topic Back to top 

Page 1 of 1

Permissions in this forum:You cannot reply to topics in this forum
Bookworm's Hub :: Aspiring and Guest Author's Lounge :: The Freelance Writer Corner-
Jump to: