Do you love Reading? You are in a right place with us. Register and join book talks on our Bookworm hub.
 
HomeFAQRegisterLog in

Share | 
 

 Premier - sjmcarmenta

View previous topic View next topic Go down 
AuthorMessage
sjmcarmenta



Sagittarius Female
Registration date : 2014-06-10
Points : 934
Reputation : 0

20140611
PostPremier - sjmcarmenta

"Hayah!" Pansin ko ang panginginig ng kamay ni Amanda habang pinapalo niya ng paulit-ulit ang puting kabayong sinasakyan namin. "Bilisan mo, Beauty. Bilisan mo," halos pabulong na sabi niya pero sapat lang para marinig ko, habang ako naman ay lihim na nagdarasal na sana ay hindi kami maabutan ng mga humahabol sa amin.

Nagdesisyon na kasi kaming magtanan ni Amanda. Matagal na kaming magkasintahan, pero ayaw sa akin ng Papa niya dahil isa lang naman akong hamak na pulis, habang ang pamilya naman nila ay kilala bilang siyang pinaka-mayaman sa lugar namin dito sa San Ildefonso.

Maya-maya lang ay tatlong sunod-sunod na putok ang umagaw sa katahimikan ng gabi.

Kahit kailan, hindi talaga ako malakas sa Diyos. Kasasabi ko pa lang na sana hindi kami maabutan, e.

"Amanda, itigil mo 'yan!" Narinig naming sigaw ng isang pamilyar na boses ng isang lalaki. Sigurado akong ang Papa niya iyon.

"Mahal, nand'yan na sila," hindi maipagkakaila ang kaba sa boses ni Amanda. Kung sabagay, kahit ako rin naman ay kinakabahan, pero ayaw kong ipahalata iyon sa kaniya.

"'Wag kang mag-alala Mahal, ako'ng bahala," ang sabi ko sa kaniya sabay lumingon at nagsimula na ring magpaputok.

Isang itim na SUV at tatlong lalaking nakasakay sa motor ang humahabol sa amin. Hindi nila kami dapat maabutan dahil kapag nangyari iyon ay paniguradong katapusan na naming dalawa. Mabuti na lang at sadyang mabilis ring tumakbo si Beauty, kung kaya't kahit na naka-kotse at motorsiklo ang mga humahabol sa amin ay hindi pa rin nila kami naaabutan.

"Mahal, iliko mo d'yan," utos ko kay Amanda na ang tinutukoy ay ang daang patungo sa kaliwa namin. Sigurado kasi akong mas mahihirapan silang habulin kami sa daan na iyon gawa ng matatayog na punong nakatayo roon.

Agad namang sumunod si Amanda at iniliko si Beauty sa daang tinuro ko, habang ako naman ay patuloy pa rin sa paglingon-lingon at pagpapaputok sa likuran namin.

Noong akala ko ay medyo nakakalayo-layo na kami, ay bigla naman kaming nakarinig muli ng sunod-sunod na putok at kasabay niyon ay ang biglaan ding pagloloko ni Beauty. Nagsimula itong tumalon papunta kung saan-saan na naging dahilan upang mahulog kami parehas ni Amanda. Kasabay ng pagkahulog namin ay bumagsak din ang katawan ni Beauty sa lupa. Doon lang namin napansin na tinamaan pala ito ng bala sa tiyan.

Kahit halatang nasaktan nang dahil sa pagkahulog mula sa likod ng kabayo ay pinilit pa rin ni Amanda na makatayo upang lapitan ito.

"Beauty? D'yos ko, Ricardo, tinamaan s'ya ng bala!" Malakas na sabi niya sa akin habang hinahaplos-haplos ang kabayo, habang ako naman ay pinipilit pa rin ang sarili na makatayo.

Nang tuluyan na akong makabawi mula sa pagkakahulog ay nilapitan ko naman agad si Amanda at hinila patayo.

"Mahal, tara na! Maaabutan na nila tayo!" Ang sabi ko sa kaniya. Natanaw ko na kasi 'yung motorsiklong minamaneho nung isa sa mga humahabol sa amin. Mukhang nakakuha sila ng shortcut na daan para maabutan kami.

"Ric, hindi natin pwedeng iwanan si Beauty rito!" Sigaw niya sa akin habang hinihila ko siya patayo. Hindi nakaligtas sa paningin ko ang pagtulo ng luha niya. Kung sabagay, hindi ko rin naman siya masisisi kung mag-alala siya para kay Beauty dahil paborito niya ito sa lahat ng kabayo nila sa asyenda. Huling regalo kasi ito na natanggap niya mula sa Mama niya bago ito namatay dahil sa sakit na kanser noong dose anyos pa lamang siya.

"Mahal, kailangan na nating umalis! Nand'yan na sila!" Hindi na rin ako mapakali dahil habang lumilipas ang oras ay papalapit naman nang papalapit sa kinaroroonan namin ang mga humahabol sa amin.

Nang mapansin iyon ni Amanda ay wala na rin siyang nagawa kung hindi ang tumayo na lang at sumunod sa akin habang umiiyak. Nagsimula na kaming tumakbo, pero agad ding nanlaki ang mga mata namin sa gulat nang bigla naming makita ang Papa niya na nakatayo sa harap namin.

"P-Papa..." sambit ni Amanda.

"Suwail! Hawakan n'yo 'yang mga 'yan!" Galit na utos nito sa apat nitong tauhan. Hinawakan ako ng dalawa sa magkabilaan kong braso at kinuha ang hawak kong baril, habang inilayo naman si Amanda nung natitirang dalawa mula sa akin.

"Don Gustavo, maniwala po kayo sa akin. Mahal ko po ang anak ninyo," ang matapang kong sabi sa ama ni Amanda.

"Wala akong pakialam sa nararamdaman mo o ninyong dalawa. Hindi nababagay ang isang dukha at hamak lamang na pulis na katulad mo sa anak kong si Amanda. Kaya upang matigil na kayong dalawa sa kahibangan ninyo, tatapusin na kita!" Sigaw niya sabay tutok ng baril sa akin.

"Papa, 'wag mong gawin 'yan! Nagmamakaawa ako, 'wag n'yong sasaktan si Ricardo!" Sigaw naman ni Amanda. Patuloy pa rin siya sa pag-iyak.

"Bakit? Kaya mo na bang ipangako na hindi ka na makikipagkita sa hampaslupang lalaking ito?" Tanong niya sa anak habang hindi pa rin inaalis ang tingin at pagkakatutok ng baril sa akin.

"Oo Papa, pangako, hinding-hindi na ako makikipagkita sa kaniya, basta 'wag n'yo lang s'yang sasaktan. Maawa kayo." Umiiling-iling na tumingin ako kay Amanda. Mas gugustuhin ko pang mamatay na lang kaysa patuloy na mabuhay nang hindi naman siya kasama.

"Huh!" Napangisi si Don Gustavo sabay binaba ang hawak niyang baril. Binalik ko ang tingin kay Amanda at napansin ang paghinga niya ng malalim. Mukha siyang nabunutan ng tinik sa lalamunan. "Patawad, pero wala na akong tiwala sa iyo at mas lalong-lalo na, sa lalaking ito!" Sigaw ng Don sabay itinutok muli sa akin ang baril.

"Huwaaaaaggg!!!" Kasabay ng pagsigaw na iyon ni Amanda ay ang pagputok rin ng baril na hawak ni Don Gustavo.

Nanlaki ang mga mata ko nang biglang kumawala si Amanda mula sa mga kamay ng dalawa sa mga tauhan ng Papa niya, pagkatapos ay tumakbo papalapit sa akin.

"M-mahal na m-mahal kita, R-ric." Halata ang sakit at hirap na nararamdaman niya habang sinasabi ang mga katagang iyon nang tuluyan na siyang makalapit sa akin. Matapos sabihin iyon ay bigla namang bumagsak ang katawan niya sa may paanan ko, dahilan upang matulala ako.

"A-anak," narinig kong sambit ng Don at kasabay niyon ay ang tunog ng nahulog na baril. Awtomatikong binitawan rin ang magkabilaan kong braso nung dalawang tauhan ng Papa ni Amanda na humawak sa akin kanina. Walang dudang maski sila ay nagulat rin.

Nanlalaki pa rin ang mga matang napaluhod ako at hinawakan si Amanda sa kamay niya.

"M-mahal?" Nagsimula nang tumulo ang luha mula sa mga mata ko.

"R-ric."

"Bakit mo ginawa 'yon?" Hindi ko alam kung paano ko nagagawang magsalita pa sa kabila ng takot at galit na nararamdaman ko - takot sa posibilidad na tuluyan nang mawala sa akin si Amanda at galit naman sa ama niya.

Isang tipid na ngiti lamang ang isinagot niya sa akin sabay hinaplos ako sa pisngi, hanggang sa tuluyan na siyang nawalan ng malay.

"Amaaaandaaa!!" Sigaw ko.

Umiyak ako ng umiyak habang hawak si Amanda. Hindi ko alam kung gaano ako nagtagal sa ganoong posisyon, ngunit noong medyo nakabawi na ako ay tiningnan ko ng matalim si Don Gustavo, sabay binitawan si Amanda at hinablot ang baril na hawak ng isa sa mga tauhan ng Don.

"R-Ricardo," sambit ng Don sa pangalan ko matapos kong itutok sa kaniya ang baril.

"Ano ngayon, ha? Masaya ka na ba?! Masaya ka na ba na pinatay mo ang sarili mong anak?!" Galit at napapaluhang tanong ko sa kaniya.

"H-Hindi ko sinasadya." Bahagyang nakataas ang dalawang kamay na sagot niya sa akin. Hindi ko alam kung takot o pagsisisi ba ang nakarehistro sa mukha niya.

Mula naman sa gilid ng mga mata ko ay napansin kong tinutukan rin ako ng baril nung isa sa mga tauhan ni Don Gustavo, pero hindi ko na lang ito pinansin. Mas mabuti nga kung itutuloy nito ang pag-baril sa'kin dahil tutal, wala na rin namang saysay ang buhay ko ngayong wala na si Amanda.

Nanginginig ang mga kamay na ipinwesto ko ang hintuturo sa gatilyo ng baril na hawak ko, pero bago ito kalabitin ay inilipat ko bigla ang pagkakatutok nito sa sentido ko at saka walang pag-dadalawang isip na kinalabit ito.

Isang nakakabinging tunog ng pumutok na baril ang narinig ko bago ako tuluyang nawalan ng malay.



___



"We love you Coco!!!" Isang makabasag taingang sigawan ang sumalubong sa akin paglabas ko ng sinehan kasabay ng flash ng mga camera. Agad kong inakbayan ang babaeng katabi ko na siyang leading lady ko sa pelikulang katatapos lang namin panoorin.

"Coco, anong masasabi mo sa mga fans n'yo?"

"Coco, totoo ba ang naririnig naming mga sabi-sabi na for real na raw ang relasyon n'yo ni Julia? May nakakita raw sa inyong magkasama sa Boracay na kayo lang dalawa."

"Coco, nililigawan mo ba si Julia? Paano na ang non-showbiz girlfriend mong si Shaira?"

Sunod-sunod na tanong ng mga reporters sa akin na isa-isa ko namang sinagot.

"Una po, maraming-maraming salamat sa lahat ng nanood pati sa lahat ng mga manonood pa sa pelikula namin ni Julia na Eternity. We're so overwhelmed sa mainit na pagtanggap ninyo sa pelikula namin considering that this is our first. Basta, maraming-maraming salamat po. Sa tanong naman po ninyo kung kami na bang dalawa ni Julia o kung nililigawan ko s'ya, no, hindi po. We're just good friends." Nakangiti kong sagot, pagkatapos ay inalalayan na si Julia palabas ng building.

Well I guess, I've finally achieved my dream of becoming an action star.

Back to top Go down

 Similar topics

-
» Gravity..London Premier
» Karen Grassle in a Premier Bathrooms commercial.
» Ides of March Premier in LA
» SCIFI Premier for Series 4 and SJA
» 16.09.2010 P4-AFK
Share this post on: Excite BookmarksDiggRedditDel.icio.usGoogleLiveSlashdotNetscapeTechnoratiStumbleUponNewsvineFurlYahooSmarking

Premier - sjmcarmenta :: Comments

No Comment.
 

Premier - sjmcarmenta

View previous topic View next topic Back to top 

Page 1 of 1

Permissions in this forum:You cannot reply to topics in this forum
Bookworm's Hub :: Aspiring and Guest Author's Lounge :: The Freelance Writer Corner-
Jump to: